Wednesday, November 14, 2007

Irregular p.1

Oct. 25, 2007 Tue. UST Seminary Gym

Karamihan ay papuntang Seminary Gym, maaaring takot dahil baka manakaw ang pang-tuition nila. Yung iba, maagang-maaga para lang makuha ang inaasam-asam nilang PE sched. Tumatagaktak ang pawis habang nakapila. Naghahalo ang mabango at mabaho. Lahat gusto nang makapasok sa air-conditioned na gym. Encoding. Assessment of Payment. Tatak diyan, tatak doon. Bayad ng tuition. Ayun, tapos ang kalbaryo.

Sila ang mga regular students…ang mga pinagpalang nakapasa…nakasurvive sa 5 buwan ng paghihirap…nariyan ang mga “aswang”, mga “halimaw”, mga future Dean’s Lister, mga masisipag, at ang mga taong sadyang maswerte sa buhay-kolehiyo. Iisa lang ang masasabi ko. Nakakainggit sila.

Oct. 25, 2007 Tue. UST Main Bldg. 3rd Fl.

8:30 pa lang, mahaba-haba na ang pila sa tapat ng Psychology Dept. Hindi naman nagkakaproblema sa pawis at putok pero nalulukot na ang hawak-hawak na clearance at Preenrollment Form. Lahat nagdadaldalan...nagmumuni-muni:

“Ano binagsak mo???”
…”
“Pareho pala tayo!”
“Ano’ng sched natin?”
“Oi, sabi ni ganito wala nang slot sa P.E. na ganyan!”
“Hala nauubusan na tayo ng magagandang P.E.!”
“Mas madali raw ang Math sa ganitong college/faculty/institute…”
“Pa’no kaya magcross-enroll?”
“Hala ikaw na mauna!”

Pagpasok sa Psych. Dept., hindi si Sir Budji ang makakaharap namin kundi si Sir Ryan.
Basta may pinili ka nang schedule, pipirmahan niya lang ito. Tatatakan. Sasabihing “Bio” kahit na ang binagsak mo ay “A-L-G-E-B-R-A”. Umikot kami sa 3rd. Floor.

May prusisyon sa may Bio-Dept.

Sunud-sunuran naman kami. Nakihalo sa grupo ng mga namomoblema sa Zoology, Biology atbp. basta related sa living things.
S’yempre napagtanto naming nagsasayang kami ng oras sa maling pila kaya kami ay lumipat sa Math&Physics Dept.

Mas malala ang pila sa Math Dept.

Usad pagong. Ilang oras na kaming nakatayo, nakaluhod, nakaupo, ni hindi ata kami natinag sa aming mga pwesto. Nakapag-enroll na ang mga blockmates nami’t lahat, hindi pa rin kami umuusad. Sila Hoseine, Therese at Luigi, na kanina’y kasama naming sa pila sa Psych. Dept. ay nakaikot na sa USTe at nakapagcross enroll na sa CFAD para sa Fil 1 (diyata’t may iniiwasang “sumpa”…na isang sumpa naman talaga), ngunit kami ay hindi pa rin umuusad. Nakakapagtakang biglang dumami ang mga nakapila sa harap noong malapit nang magtanghali. Mga dalawang oras kaming naghintay, tumambay, parang mga pulubi na nililinis ang sahig. Ngunit kung kailan abot-tanaw na ng aming grupo ang pintuan ay saka naman sumungaw sa pintuan ang isang mukha… nagbabadya.

“We will resume at 1 o’clock.”

Nagrebolusyon ang aming mga tiyan.

Nakiusap ako kay Natz na bilhan ako ng makakain. Pagkaraan ng sampung taon ay dala-dala na niya ang McDo burger-fries-coke meal at ibinigay na ang aking sukli. Nagtaka ako sa upsized coke at fries ko. Ginamit pala niya ang PsychSoc Membership Card. Ngunit hindi naman siya bumili ng pagkain para sa sarili niya.

Kumuha rin ng fries sina Lyka. Nang kumagat naman siya sa Regular Burger ko, nasabi niyang “Mmmmm….sarap!”
Iyon din nasa isip ko: Gutom pa ako…at ang burger na inookray-okray ko dahil sa presyo at burger patty nito ay masarap sa pagkakataong iyon.

Pag gutom ka nga naman, kahit ano’ng makain mo, masarap.

Nakita ito nina Bogs at Bryan, na kani-kanina lamang ay naglalaro ng Spin-the-Bottle. Sila ang nagtatanong sabay tapat ng bote sa sarili nila para sila pa rin ang sasagot.
“Sino’ng pinakaayaw mong teacher?”
“Si ____________!”
“Pero di ba magkasundo kayo n’un?!?”
“Dati ‘yun! Bittersweet memories.”
Bumili na rin sila ng McDo. Naiwan kami nina Anna at Natz sa sahig.
May listahan na ipinapasa-pasa sa amin. Unang sinulat ni Natz ang pangalan ko.
Sumunod si Anna, at inilista na niya ang lahat ng naaalala niyang kasama namin.
Dumating na rin ang dalawa.

Mukha nang picnic area ang corridor na dati’y parang haunted sa konti ng mag-aaral.

“Available for all” ang fries nila bogs at Bryan. Kahit si Lyka, kain ng kain. Naubos na kasi ang malaking Chips Delight/Ahoy niya.

Pagkatapos ng matagal-tagal pang paghihintay, lumabas ang nangagasiwa sa scheduling ng Algebra special classes at pinapunta kami sa isang klasrum para maayos na ang lahat. Doon lamang naming nalaman na hindi pala naming nailista si Tedlos!
Patay. Baka mahiwalay siya.

Subject: Algebra
Code: Math101
Section: BIOSP1
Time: 10-11AM

Home Section: 1PSY-1
Chua
Duran
Estonina
Rabang
Santos
Tracena
Peralta
Rosales
Tedlos

Kami ang mga irreg sa Algebra.
Irreg din sina Hoseine, Therese Soriano, at Luigi.
Probationary irregular students na sina Guillan, Kat at Nats.
De-bar na si Jash. (5 subjects ang naibagsak niya.)
Sa wakes may special classes na kaming lahat maliban na lang kina Nats.
Nawala na ang isa.

Sa nakikita ko ngayon….

IRREG = HASSLE + WASTED TIME + MORE EXPENSES

Hassle…dumalas pagpunta ko UST dahil dito.
Lalo naman kung nagcross-enroll pa ako.
Wasted time… hanggang summer ba naman, mag-aaral ako?!?
More expenses…another bayarin, summer na nga, namamasahe pa ako mula Bulacan.
Kahit kunin ko na lang ang Trigo ko sa pinakamalapit na kolehiyo dito, gastos pa rin sa tuition.

Bukod pa ang mga ito sa paminsan-minsang pag-alis sa klasrum dahil sa special class mo sa ibang room o ibang building.
Bukod pa sa hindi ka siguradong lagi-lagi mong makakasama ang mga kaibigan at ka-blockmate mo.
Bukod pa sa hindi masasabing laging BUO ang block niyo.

MAHIRAP MA"IRREG".
Kaya kung kaya mong ipasa lahat ng subjects mo, gawin mo.
Kahit kulut-kulot ang lahat ng grades mo, mas maganda na ‘yun… kaysa naman may singko kahit matataas ka sa iba.
It only struck me now.
Walang kwenta ang puro line of 1 or 2 kung may 5.

“Hindi maisasalba ng uno ang singko.”

No comments: